Maraming learners ang natatakot sa ALS exam. Sinasabi nila mahirap, marami raw tanong na hindi nila alam. Pero kapag tinanong mo kung paano sila nag-review, madalas walang malinaw na sistema. Ang totoo, hindi laging talino ang sukatan para pumasa, kundi study habits na consistent at praktikal.
Sa article na ito, ibabahagi ko ang pitong simpleng study habits na napatunayan kong gumagana. Hindi ito mga komplikadong technique. Mga simpleng gawain lang na kapag ginawa mo nang tuloy-tuloy, siguradong makakatulong sa paghahanda mo.
Habit #1: Gumawa ng fixed study time
Kung gusto mong maging handa, kailangan may oras talaga na nakalaan sa pag-aaral. Kahit gaano ka pa kabusy, kapag wala kang oras na nakareserba, madali kang ma-distract ng trabaho o ibang gawain.
May learner ako noon na nagtratrabaho sa bakery. Pag-uwi niya gabi na at pagod na siya. Pero ginawa niyang habit na magbasa ng kahit isang oras bago matulog. Hindi niya laging natatapos ang module, pero unti-unti dumami ang naiintindihan niya. Naging parte ng routine niya yung isang oras na yun, at malaking tulong noong nag-exam siya.
👉 Ang sikreto dito ay consistency. Mas mabisa ang 1 oras araw-araw kaysa 5 oras isang beses lang sa isang linggo.
Habit #2: Gumamit ng sariling reviewer
Ang modules ay guide, pero mas naiintindihan mo kapag sinusulat mo ulit sa sarili mong salita.
Isang learner ko, habang nagsasagot ng module, may dala siyang maliit na notebook. Doon niya sinusulat ang mga bagong terms at halimbawa. Halimbawa, kapag fractions ang topic, hindi lang niya sinusulat yung definition, nilalagyan pa niya ng sariling sample gaya ng “1/2 ng isang kilo ng bigas = 500 grams.” Dahil doon, hindi lang siya umaasa sa module. May sarili siyang reviewer na madaling balikan.
👉 Gawin mo ring habit ang pagsusulat. Kahit maikli lang, basta sarili mong explanation.
Habit #3: Mag-practice ng past exam questions
Kahit gaano ka magbasa, kung hindi ka nasasanay sa style ng tanong, mahihirapan ka. Kaya mahalaga ang practice tests.
Naalala ko isang learner na halos kabisado ang lahat ng nasa module. Pero noong mock exam namin, nahirapan siya kasi iba ang wording ng mga tanong. Doon niya narealize na hindi sapat ang memorization. Nang nagsimula siyang mag-practice ng sample questions weekly, mas naging mabilis siyang sumagot at mas nawala yung kaba niya.
👉 Kung gusto mong masanay, maghanap ng reviewer online o gumawa ng sarili mong mock test.
Habit #4: Iwasan ang cramming
Maraming learners ang nag-aaral lang kapag malapit na ang exam. Akala nila kaya ng overnight review. Pero sa totoo lang, mas lalo lang nakakapagod at nakaka-stress.
May isa akong estudyante na nagpuyat bago ang exam. Nag-aral siya halos buong gabi, pero pagdating sa mismong test, sobrang antok niya at hindi makafocus. Ang ending, mas mababa pa ang score niya kaysa sa mga nag-aral ng paunti-unti.
👉 Kung gusto mong maging handa, hati-hatiin mo ang lesson at aralin kada araw. Mas madaling maalala kapag hindi minamadali.
Habit #5: Mag-study group
Hindi lahat ng bagay kayang intindihin mag-isa. Minsan, mas malinaw kapag may kasama kang nag-eexplain.
May tatlo akong learners na laging sabay umaattend. Kapag may topic silang hindi maintindihan, isa sa kanila ang magpapaliwanag sa iba. Sa ganitong paraan, hindi lang natututo yung nahihirapan, mas tumatatak pa sa utak ng nagtuturo. Sa huli, silang tatlo ang sabay-sabay nakapasa sa A&E Test.
👉 Kung may kaibigan kang nag-ALS din, maglaan kayo ng oras para mag-review nang sabay. Kahit isang beses sa isang linggo, malaking tulong na.
Habit #6: Gumamit ng free resources online
Hindi lahat ng sagot nasa module. Ngayon, maswerte ang learners kasi marami nang free resources online.
May isa akong learner na hirap sa Math. Hindi niya makuha ang long division kahit ilang beses na naming dinaanan. Isang araw, pinakita niya sa akin na nanonood siya ng tutorial sa YouTube tungkol sa division. Doon niya nakuha kung paano ang tamang proseso. Sa susunod na klase, siya na mismo ang nagtuturo sa kaklase niya.
👉 Gamitin ang DepEd Commons, YouTube tutorials, o kahit mga free worksheets na makikita sa internet. Libre na, malaking tulong pa.
Habit #7: Magpahinga at alagaan ang sarili
Hindi ka makakapag-focus kung laging pagod at puyat. Mahalaga rin ang pahinga at tamang pagkain.
May learner akong palaging absent-minded sa klase. Lagi siyang puyat dahil naglalaro ng online games hanggang madaling-araw. Kaya kahit andun siya, hindi siya makasunod. Nang nagsimula siyang maglimit ng oras sa laro at matulog nang maaga, naging mas alerto siya at mas mabilis sumagot sa klase.
👉 Ang utak ay parang cellphone. Kung hindi mo chine-charge, mabilis ma-drain. Kaya alagaan ang katawan para maging handa sa exam.
Ang paghahanda para sa ALS exam ay hindi tungkol sa pagiging matalino, kundi sa pagiging disiplinado. Kung gagawin mo ang pitong simpleng habits na ito, siguradong mas magiging handa ka.
Hindi mo kailangang mag-aral ng 12 oras kada araw. Ang kailangan mo lang ay consistency, tamang diskarte, at tamang mindset.
Tandaan: Hindi kailangan ng talino, kailangan lang ng disiplina.
No comments:
Post a Comment