Hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng chance na matapos ang pag-aaral sa tamang oras. Sa Pilipinas, ang daming out-of-school youth o OSY. Iba-iba ang dahilan. Yung iba, dahil sa kahirapan, kailangan munang magtrabaho. Yung iba naman, dahil sa personal na problema o di kaya ay sa pamilya. Pero kahit anong dahilan pa yan, hindi ibig sabihin tapos na ang lahat.
Dito pumapasok ang Alternative Learning System o ALS. Isa itong program ng Department of Education para bigyan ng second chance ang mga kabataan at kahit adults na gustong bumalik sa pag-aaral.
Sa blog na ito, ikukwento ko kung paano nakakatulong ang ALS sa mga kagaya nating nahinto pero gustong magpatuloy.
Ano ba talaga ang ALS?
Ang ALS ay parang school din pero mas flexible. Hindi mo kailangang pumasok araw-araw na parang regular student. Ang setup ay pwedeng community-based, minsan sa barangay hall at may mga ALS teachers na gumagabay. Libre ito at bukas para sa lahat.
-
Pwedeng elementary o junior high school level.
-
Merong learning strands na katulad din ng mga subject sa regular school.
-
Kapag nakapasa ka sa exam, pwede ka nang mag-enroll sa senior high school.
Isipin mo yung isang 16-year-old na si Carlo na hindi nakapagtapos ng Grade 7 dahil nagtrabaho muna sa palengke. Pagpasok niya sa ALS, hindi siya naiilang kasi halos lahat ng kasama niya ay may sariling kwento din. Dito niya narealize na kahit late na siya, may pag-asa pa rin siyang makabawi.
Bakit importante ang ALS para sa OSY?
-
Second chance sa edukasyon
Hindi lahat ay nakaka-graduate sa tamang edad. May mga indibidwal na napapahinto sa pag-aaral dahil sa pangangailangan ng pamilya. Halimbawa, kailangan mag alaga ng kapatid dahil nag hahanapbuhay ang mga magulang. ALS ang sagot para sa mga gustong ituloy kahit late na.. -
Mas flexible
Pwedeng part-time kung may trabaho ka. Pwedeng weekend sessions kung busy ka. Kung hindi talaga kayang pumasok maghapon, pwede naman na mad modular ka lang at sumaglit lamang sa learning center kung mag papasa ng mga activities. -
Libre
Hindi mo na kailangan gumastos sa tuition. Maraming learners sa probinsya ang hirap makapag-enroll sa private schools. Pero dahil libre ang ALS, kahit wala silang budget, natutuloy pa rin sila. -
Pwede kang makakuha ng diploma
Kapag nakapasa ka sa ALS Accreditation and Equivalency Test, katumbas ito ng diploma sa regular school.
Mga karaniwang dahilan bakit humihinto ang iba sa pag-aaral
-
Walang budget para sa school supplies at pamasahe.
-
Kailangan magtrabaho para makatulong sa pamilya.
-
Maagang nagkaroon ng pamilya.
-
Nahihiya nang bumalik kasi feeling nila matanda na sila para mag-aral.
Paano makakatulong ang ALS sa mga kagaya nating nahinto?
-
Nagbibigay ng bagong pag-asa
Minsan feeling mo wala nang silbi bumalik, pero pag nakita mong may ALS pala, parang ang gaan ng loob. Magaan sa pakiramdam na may mga kasing edad mo or minsan mas matanda pa sa iyo ang iyong kaklase. -
Nagiging stepping stone
Kung gusto mong mag-Senior High, ALS ang tulay para makarating ka dun. -
Mas nagiging proud ang pamilya
Kapag nakikita ka nilang bumalik sa pag-aaral, masaya sila at natutuwa kasi hindi mo sinukuan ang pangarap mo. -
Mas mataas ang chance makahanap ng trabaho
Kahit basic lang, malaking bagay ang may diploma.
Paano mag-enroll sa ALS?
-
Pumunta sa pinakamalapit na barangay hall o public school.
-
Hanapin ang ALS focal person o teacher.
-
Mag-register at mag-fill out ng form.
-
Hintayin ang schedule ng learning sessions.
Mga hamon sa pag-aaral sa ALS
-
Hindi lahat consistent ang pag-attend kasi may mga learners na may trabaho. May mga learners na hindi nakadadalo ng learning sessions dahil sa overtime sa trabaho, or may mahalagang ginagawa. Ngunit nakababawi naman sila dahil may mga modules na pwedeng aralin kahit anong oras.
-
Minsan kulang ang resources, gaya ng modules at gadgets. Yung iba, humahanap ng piso net o humihiram ng cellphone para lang makapag research tungkol sa aralin.
-
May ilan na nahihiyang aminin na nag-aaral sa ALS. Siguro dahil sa edad na rin nila, o kaya dahil nahihhiya silang sa ALS sila pumapasok.
Tips para magtagumpay sa ALS
-
Mag-set ng goal. Halimbawa: “Gusto ko makapasa sa exam para makapag-college.”
Halimbawa: Si Carlo araw-araw nagsusulat ng quote sa notebook niya para ma-motivate. -
Maglaan ng oras. Kahit isang oras lang sa bahay para magbasa.
Halimbawa: Si Aling Nena, 36 years old, nagbabasa ng modules habang nagbabantay ng tindahan. -
Huwag mahiya magtanong. Nandyan ang mga ALS teachers para tumulong.
Halimbawa: Si Jun palaging nagme-message sa teacher niya kapag may hindi naiintindihan sa math. -
Kausapin ang pamilya. Sabihin sa kanila ang plano mo para suportahan ka nila.
Halimbawa: Si Angel nakipag-usap sa asawa niya at pinakiusapan na siya muna magbantay ng baby tuwing ALS session.
Ang ALS at ang kinabukasan
Hindi lahat ng second chance ay binibigay sa buhay. Pero ang ALS, isa itong program na nagsasabi sa atin na pwede pa. Kahit ilang taon kang nawala sa school, kahit anong edad mo, pwede ka pa ring magpatuloy.
Ang mga nag-graduate ng ALS, kahit late na, nagiging inspirasyon sa mas bata. Maraming bata sa barangay ang na-inspire na ituloy ang pag-aaral dahil sa kanila.
Kung ikaw ay OSY ngayon, isipin mo ito: hindi mo kasalanan kung bakit ka nahinto, pero desisyon mo kung gusto mong bumalik. Hindi madaling daan ang ALS pero malaking tulong ito para makabalik ka sa pangarap mo.
Ako mismo ay nakakita ng mga learners na halos walang gamit, pero dahil may pangarap sila, tinuloy nila hanggang matapos. Nakakainspire.
Ang Alternative Learning System ay hindi lang basta program. Isa itong lifeline para sa mga Pilipino na nahinto sa pag-aaral. Isa itong reminder na hindi pa huli ang lahat.
Kung may kakilala kang OSY, encourage mo siya na mag-ALS. At kung ikaw mismo ay OSY, baka ito na yung sign para magsimula ka ulit.
No comments:
Post a Comment